Inamin ng Pangulong Rodrigo Duterte na nangangamba siya na madamay ang Pilipinas sakaling magdesisyon umano sa huli si Russian President Vladimir Putin na gamitin ang nuclear weapons sa giyera laban sa Ukraine.
Naniniwala si Duterte na mangyayari raw ito kung magkataong maipit na si Putin at baka pindutin daw ang buton para sa paglulunsad ng nuclear weapons.
Sa kanyang pagsasalita sa Malacanang kagabi, sinabi ng pangulo na batay sa ibinigay sa kanya na intelligence briefing ay tatamaan daw ang Pilipinas at posibleng madamay.
Sinabi pa ng pangulo, sa kanyang palagay ay eeksena rin ang China para manakop.
Hindi naman binanggit ng pridente kung ang tinutukoy niyang sasakupin ng China ang Pilipinas.
Una na ring napabalita na bibigyan ng Pilipinas ang Amerika ng “unrestricted movement” sa paggamit sa ilang military facilities sa bansa.
Ang Subic Bay at Clark Field sa Pampanga ay dating parte ng US military bases.
Kung maalala rin merong umiiral ang dalawang bansa ng Mutual Defense Treaty (MDT).
“If by unfortunate chance, per chance talagang maipit si Putin at tusukin niya ‘ypng pula na butones ah wala na. Then my thinking is kapag magganoon ‘yan ang China will invade. Pero sa intelligence briefing tatamaan talaga tayo. Tatamaan talaga,” ani President Duterte. “Kasali tayo diyan kasi ano. Let us not kid each other. Nandito ‘yong Amerika. The reason I said why I gave the orders to our military is to allow them unrestricted para matapos na. Huwag lang sana ‘yong China.
Samantala iniulat na rin ng UN agency for refugees na mahigit 10 milyong katao na ang lumikas papalabas ng Ukraine.
Sa report naman ng Department of Foreign Affairs umaabot sa kabuuang 382 na mga Pinoy sa Ukraine ang nabigyan ng assistance.
Sa naturang bilang ang nasa 330 ay nakabalik na ng Pilipinas habang ang 52 naman ay tumungo muna sa Eastern European countries.