-- Advertisements --

Natukoy na ng Quick Response Team ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST) ang fault na nagdulot ng mapaminsalang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong gabi ng Martes, Setyembre 30.

Ayon sa ahensiya, natagpuan ng team ang onland extension ng fault sa may Sitio Looc, Barangay Nailon sa Bogo City, na pinakamatinding tinamaan ng lindol.

Pinangalanan ng ahensiya ang bagong fault bilang Bogo Bay Fault.

“The team observed fault scarps, open cracks, and small pressure mounds within a 2-meter-wide deformation zone,” ayon sa ahensiya.

“Initial field mapping recorded about 200 meters of surface rupture, while drone surveys revealed the fault may extend up to 1.5 kilometers, showing signs of right-lateral movement. Field verification is ongoing to determine the full extent of the rupture”, saad pa ng ahensiya.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Phivolcs ng mahigit 4,300 aftershocks simula nang tumama ang magnitude 6.9 na lindol. May lakas ang mga ito mula 1.0 hanggang 5.1.

Patuloy namang inaabisuhan ng ahensiya ang publiko na manatiling alerto dahil bagamat inaasahang huhupa na ang lakas at dalas ng naitatalang aftershocks posible pa rin aniyang maitala ang malakas na aftershocks.