Patuloy pa rin ang pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na magdamag.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, umabot sa 22 volcanic earthquakes ang naitala ng kanilang monitoring stations sa loob ng 24 oras.
Kabilang na dito ang tatlong volcanic tremors na tumagal sa pagitan ng walo hanggang 31 minuto.
Naitala rin ng ahensya ang tatlong ash emissions na tumagal ng lima hanggang 44 na minuto.
Aabot na rin sa 4,222 tons ng Sulfur dioxide flux ang ibinuga ng bulkan na mayroong taas na 900 meters habang patuloy pa rin ang pamamaga ng bunganga nito.
Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 6-kilometer danger zone at pagpapalipad ng anumang uri ng sasakyang panghimpapawid sa bunganga ng bulkan.