Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko laban sa pagkalat ng fake news kaugnay ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa baybayin ng Sarangani noong nakaraang linggo.
Sa insyung abiso ng ahensiya, hinikayat nito ang publiko na huwag basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon at sa halip ay kumuha lamang ng update mula sa opisyal na website at online accounts ng DOST-PHIVOLCS.
Kabilang sa mga itinangging maling impormasyon ng ahensiya ang umano’y pagtama ng magnitude 8.2 na lindol sa eksaktong oras, dahil wala pang teknolohiyang kayang hulaan ang petsa at oras ng lindol.
Pinasinungalingan din ng ahensya ang pahayag na ang lindol ay dulot ng mga bulkan sa ilalim ng Sarangani Bay.
Nilinaw ng PHIVOLCS na tectonic ang pinagmulan ng lindol noong Hunyo 8 at sanhi ito ng paggalaw ng Cotabato Trench, at wala ring aktibong bulkan sa ilalim ng Sarangani Bay.
Mali rin umano ang paniniwalang ang mga bitak sa kabundukan at baybayin ay fault lines na nagdulot ng magnitude 7.8 na lindol. Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang mga bitak sa kabundukan ay tension cracks na maaaring magdulot ng pagguho ng lupa, habang ang mga bitak sa baybayin at ilog ay tinatawag na lateral spread na bunga ng liquefaction at hindi aktibong faults.
















