-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) na muling naglunsad ang People’s Republic of China ng Long March 7A rocket mula sa Wenchang Space Launch Site sa Wenchang, Hainan dakong alas-11:47 ng umaga (oras sa PH) nitong Lunes, Nobiyembre 3.

Kaugnay nito, nagbabala ang ahensiya sa publiko partikular na sa Northern Luzon hinggil sa posibleng pagbagsak ng rocket debris sa mga tinukoy na drop zones na tinatayang nasa 67 nautical miles (NM) mula sa Dalapuri Island, Cagayan, 44 NM mula sa Burgos, Ilocos Norte, 75 NM mula sa Camiguin Norte at 63 NM mula sa Santa Ana, Cagayan.

Ipinaalam na rin ng ahensiya ang planong rocket launch bago pa man ito ilunsad sa mga kaugnay na ahensiya ng gobyerno at mga awtoridad.

Ipinaliwanag naman ng PhilSA na maaaring magdulot ng panganib ang babagsak na parte ng rocket sa mga barko, sasakyang panghimpapawid, bangkang pangisda at iba pa na dumadaan sa nabanggit na drop zones, bagamat hindi inaasahang babagsak ito sa kalupaan o sa mga kabahayan.

Pinapayuhan din ang publiko na agad ipaalam sa mga lokal na awtoridad sakaling may mamataang kahina-hinalang debris at mag-ingat sa pag-retrieve o paglapit dito dahil may mga materyales itong maaaring naglalaman ng natirang nakakalasong substance gaya ng rocket fuels.