Narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang hinihinalang Chinese rocket debris malapit sa katubigan ng Cuyo, Palawan.
Sa isang post sa X, ibinahagi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Comm. Jay Tarriela na natagpuan ng lokal na mangingisda ang naturang debris sa katubigan malapit sa barangay Funda Bisucay Island, Cuyo, Palawan.
Lumalabas sa preliminary assessment na ang narekober na debris ay posibleng konektado sa kamakailang inilunsad ng China na Long March rocket noong Setyembre 16.
Bahagi umano ang naturang rocket launch sa nagpapatuloy na pagsisikap ng China sa space exploration kabilang ang pagpapadala ng satellite at technological advancements.
Dinala na ang natagpuang debris sa Coast Guard District Palawan at kalaunan ay ipapadala sa Philippine Space Agency (PhilSA) para sa detalyadong analysis, verification at assessment ng pinagmulan at komposisyon nito.
Hinihimok naman ang Palaweños na manatiling vigilant at iulat ang anumang mamataang posibleng rocket debris sa pinakamalapit na Coast Guard station, barangay officials o kaukulang awtoridad at inaabisuhang iwasang hawakan ito dahil sa posibleng safety hazard.