Naglabas na ng pahayag ang Professional Regulation Commission kaugnay sa plano ng Department of Health na mabigyan ng temporary license ang mga bumagsak na nursing graduates sa board exam.
Ayon sa komisyon, wala pang probisyon sa ngayon sa ilalim ng Philippine Nursing Act 2002 o ang Republic Act No. 9173 na legal na nagpapahintulot sa PRC para mag-isyu ng temporary license para sa mga nursing graduates na hindi pumasa sa Nursing Licensure Examination.
Binigyang diin ni PRC Commissioner Jose Cueto Jr. na kailangang maayendahan muna ang Republic Act No. 9173 bago maisulong ang plano ng DOH na mag-hire ng hindi pa lisensiyadong mga nursing graduates sa mga ospital ng gobyerno.
Kapag hindi aniya narerepaso ang naturang batas mananatiling nasa 75% ang ikinokonsiderang passing rate sa board exam para sa mga nursing graduates.
Subalit sa ilalim ng Section 21 ng RA 9173, maaaring lamang magbigay ng special o temporary permit sa ilang nurses na subject pa rin sa approval ng Commission at pagbabayad ng kaukulang fees.
Kabilang dito ang mga licensed nurse mula sa ibang bansa na ang serbisyo ay libre o bayad kapag ito ay kilalang specialist internationally o outstanding expert sa anumang branch o specilaty ng nursing gayundin ang licensed nurse mula sa mga bansa o state sa medical mission na ang serbisyo ay libre sa isang partikular na ospital, center o clinic at ang licensed nurse mula sa foreign countries o state na employed sa mga paaralan o college of nursing bilang exchange professors sa isang branch o specialty ng nursing.
Ipinaliwanag din ng PRC official na kapag ang non-board passers ay pagtratrabahuin sa isang government hospitals kailangan na nasa ilalim sila ng direct supervision ng isang rehistradong nurse.
Una ng sinabi ng DOH Sec. herbosa na ang temporary licensed nurses ay kailangan magrender ng apat na taong pagseserbisyo sa mga ospital ng gobyerno matapos na makapasa ang mga ito sa board exam at bago payagang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ang planong ito ng kalihim ay isang pansamantalang solusyon lamang upang matugunan ang kakulangan ng mga nurse sa bansa dahil sa exodus o pag-alis ng mga nurse para magtrabaho sa ibang bansa para sa mas malaking sahod .