-- Advertisements --

Magandang inisyatibo ang P20 kada kilo rice program ng pamahalaan na inilunsad kahapon sa Visayas partikular sa Cebu.

Naniniwala si Agri Party List Rep. Wilbert Lee na malaking tulong ang nasabing programa para maibsan ang pasanin ng ating mga kababayan na nasa laylayan ng lipunan.

Ayon kay Lee suportado nito ang nasabing hakbang subalit hiling nito sa pamahalaan na ipatupad ang P20 per kilo rice program sa buong bansa.

Binigyang-diin ng Bicolano lawmaker na matagal na nitong isinusulong ang nasabing inisyatiba para matulungan ang mga lokal na magsasaka na itinuturing na mga food security soldiers.

Aniya, kaniyang inihain sa Kamara ang Panukalang batas ang House Bill 9020 Cheaper Rice Act nuong August 2023.

Nakapaloob sa nasabing panukala na bibilhin ng gobyerno ang mga palay sa mga lokal na magsasaka sa mas mataas na presyo at magdadagdag ng P10 mula sa farm gate price upang matiyak ang kita ng mga magsasaka at pagkatapos ibebenta ito sa merkado sa mas murang halaga.

Binigyang-diin ni Rep. Lee na bukod sa Cheaper Rice Act kasama sa pangmatagalang solusyon na kaniyang inihain sa Kamara ay ang pagbibigay suporta sa mga magsasaka gaya ng mga post harvest at transport facilities at pagpaparami ng mga Kadiwa Centers kung saan direktang ibinibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto na hindi na dumadaan sa mga mapang abusong middle man.

Naniniwala si Lee na kung sapat at kumpleto ang suporta sa mga lokal na magsasaka at tiyak ang kanilang kita gaganahan silang paramihin ang kanilang produksiyon na magpaparami ng suplay at magpapababa ng presyo ng bigas hanggang makamit ang P20 per kilo na bigas sa buong bansa.