-- Advertisements --

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na manatili sa bahay at magsuot ng N95 mask para maiwasan ang pagkakalantad sa ‘haze’ o maruming hangin.

Ito ay kasunod ng naobserbahang haze sa ilang lugar sa Quezon City at probinsiya ng Rizal sa mga nakalipas na araw na ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay dulot ng mga naitalang sunog.

Pinaalalahanan din ng ahensiya ang publiko na subaybayan ang Air Quality Index (AQI) ng kanilang mga lugar upang makatulong na maiwasan ang maruming hangin.

Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, mayroong dalawang karaniwang ginagamit na indicator para sa Air Quality Index, ito ay ang Particulate Matter 10 micrometers (PM 10), at PM 2.5, na parehong karaniwang nagmumula ito sa mga emisyon ng sasakyan, pagsunog ng basura, wildfire, o mga insidente ng sunog.

Aniya, ang PM 10 ay nagdudulot ng pangangati ng upper respiratory tract tulad ng sinuses at lalamunan habang ang PM 2.5 naman ay maaaring makapasok nang malalim sa baga at maging sanhi ng mga pag-atake ng hika, at maaari ring tumawid sa dugo at pagmulan ng mga problema sa ating cardiovascular system.

Kaugnay nito, narito ang ilang mga paalala ng DOH partikular na sa mga indibidwal na sensitibo sa polusyon o maruming hangin.

Sa isang statement, sinabi din ni Health Secretary Ted Herbosa na bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguraduhing ligtas ang publiko lalo na ang mga pasyenteng may kondisyon sa baga, kapag mayroong haze. Gayundin laging alamin mula sa DENR o lokal na pamahalaan kung ano ang air quality index ng lugar para magabayan sa dapat na gawin.