-- Advertisements --

Pinalawak na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang outpatient care package nito para sa mga taong nabubuhay na may Human Immunodeficiency Virus (HIV), kasabay ang pagtaas ng benepisyo nito sa P58,500 kada taon malayo sa dating P30,000.

Saklaw ng pinalakas na Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package ang antiretroviral therapy (ART), laboratory, at clinical services para sa lahat ng kumpirmadong HIV patients, anuman ang kanilang clinical status.

Tiniyak ni PhilHealth Acting President Dr. Edwin Mercado ang buong suporta at proteksiyon sa persons living with HIV, lalo na sa pangangalaga ng kanilang personal na impormasyon. Hinimok din niya ang mga pamilya na gabayan ang kabataan at suportahan ang maagang pag-iwas.

Ang hakbang ay bahagi ng pagpupursige ng pamahalaan na mapababa ang tumataas na kaso ng HIV sa bansa, kasabay ng pagdiriwang ng World AIDS Day ngayong Disyembre 1.