Hindi umano hahayaan ng pamahalaan na malugi ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng pahayag ng opisyal ng PhilHealth na posibleng sa susunod na taon ay maba-bankrupt na ang korporasyon dahil sa pagbaba ng koleksyon nito habang patuloy na tumataas ang benefit payouts sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Presidential Spokeman Harry Roque, ang PhilHealth ay guaranteed ng pamahalaan.
Ayon kay Sec. Roque, kung hindi sapat ang pondo ng PhilHealth, dadagdagan ito ng pamahalaan mula sa kaban ng taongbayan.
Ang kailangan umano sa PhilHealth ay mga indibidwal na tunay na mag-aalaga sa mga kontribusyon ng mga miyembro nito maging sa mga subsidy na ibinibigay ng national government.
Iginiit pa ni Sec. Roque na kahit anong mangyari hindi papayagan ng pamahalaan na mabangkarote ang PhilHealth.