Nagtala ng record ang pangulo ng Maldives matapos na magsagawa ito ng halos 15 oras na press conference.
Umabot sa kabuuang 14 oras at 54 minuto ang marathon press conference ni Maldives President Mohamed Muizzu.
Itinuturing na ito na ang pinakamatagal na press conference kung saan nahigitan niya ang 14 oras na isinagawa ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky noong Oktubre 2019 na una rin nahigitan ang pitong oras na press conference ni Alexander Lukashenko.
Ang nasabing press conference ay kasabay din ng pagdiriwang ng World Press Freedom Day kung saan pinuri nito ang naging papel ng mamahayag sa bansa.
Mahigit 20 mga mamamahayag ang dumalo sa press conference kung saan iba’t-ibang mga tanong ang sinagot ng pangulo.
Noong 2009 ay nagtala rin ng record ang dating pangulo ng Maldives na si Mohamed Nasheed sa pamamagitan ng pagsasagawa ng underwater cabinet meeting sa Indian Ocean para mapatunayan ang banta ng pagtaas ng level ng dagat.