Umapela ang state-run Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga pribadong ospital sa bansa na pag-isipan ulit ang kanilang pinaplanong “PhilHealth holiday” gayong mga ordinaryong Pilipino ang siyang magdurusa ng husto kapag matuloy ito.
Nauna nang hinimok ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang mga miyembro nila na huwag tanggapin ang claims para sa PhilHealth deductions sa mga health services mula Enero 1 hanggang 5.
Ayon kay PhilHealth spokesperson Shirley Domingo, nakipag-ugnayan na sila sa PHAPI para talakayin at matugunan ang kanilang mga concerns, particular na sa mga reimbursements.
Sinabi ni PHAPI president Dr. Jose de Grano na ang “PhilHealth holiday” ay isang pamamaraan para maipakita ang kanilang suporta sa mga ospital na nauna nang nagsabi hinggil sa kanilang pagkalas sa health insurer dahil sa natatambak na hindi nababayarang claims.
Aabot pa lang kasi aniya sa mahigit P155 billion halaga ng claims ngayong may pandemya ang nababayaran ng PhilHealth.
Sa naturang halaga, P11.64 billion ang binayad sa kanilang partner hospitals sa pamamagitan ng Debit Credit Payment Method.