-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasusumite na ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ng budget proposal ang Philippine Genome Center para sa plano na pagtatayo ng karagdagang extension o satellite offices na makabase sa ilang bahagi pa ng bansa.

Mas lalong nabuo ang plano na ito dahil na rin sa pagpasok ng COVID-19 pandemic kung saan nahaharap ang publiko sa mas matindi pa na banta ng virus mutation na ‘delta variant’.

Sinabi ni Duque na layunin nito na mas mapabilis pa ang genome sequencing ng COVID-19 positive samples ng mga pasyente na nagmula sa mga rehiyon partikular sa mga mayroong matataas na kaso ng bayrus.

Inamin ni Duque na dahil sa health experty ng PGC ay malaki ang naitulong nito sa mga ipinapatupad ng ahensiya na mga paraan paglaban sa epekto ng pandemya dito sa bansa.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kaugnay sa pagkagulantang ng publiko na nakapasok na pala ang ‘delta strain’ na unang nagmula sa bansang India at na-anunsyo ng PGC at DoH noong nakaraang linggo pa lamang.

Magugunitang nasa 35 ang kinompirma ng ahensiya na ‘delta variant’ cases kung saan dalawa sa mga ito ay pumanaw na habang 11 ay umano’y local mutation kung saan 6 ay mismo nagmula pa sa Northern Mindanao partikular sa Cagayan de Oro City at Lungsod ng Gingoog,Misamis Oriental.

Batay sa kahulugan ng World Health Organization,ang ‘genomics’ ay ang pag-aaral ukol sa genes at functions nito at related techniques na mayroong kakayahan na tukuyin ang kapasidad ng mga organismo.