Nilagdaan ng Pilipinas at South Korea ang isang joint memorandum na layong palakasin ang proteksyon, pagsasanay, at kapakanan ng Filipino seasonal farm workers sa Seoul.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), magtatatag ang dalawang bansa ng isang “whole-of-government framework” upang mas maayos na maipatupad ang Seasonal Workers Program (SWP) ng South Korea.
Tinitiyak ng kasunduan ang makatarungang labor practices, legal na proteksyon, at etikal na recruitment, habang pinalalawak ang agricultural cooperation.
Kasama sa mga obligasyon ng DA ang pagbibigay ng agricultural training, livelihood programs, at reintegration support para sa mga uuwing manggagawa, gayundin ang mas malapit na koordinasyon sa mga LGU at Department of Migrant Workers (DMW).
Bahagi rin ng memorandum ang pagbuo ng integrated support system para sa mas mahigpit na monitoring, welfare assistance, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ng Korea.
Ang SWP ay nagbibigay-daan sa short-term employment ng mga foreign workers upang tugunan ang kakulangan sa farm labor tuwing peak planting at harvesting seasons.
Noong Enero 2024, nagpatupad ang DMW ng moratorium sa deployment dahil sa reklamo ng ilang Filipino workers, ngunit ito ay binawi rin matapos maglabas ng panibagong guidelines.















