Maglalagay na rin ng sariling COVID testing facility ang Philippine Red Cross (PRC) para matulungan ang dumaraming pasyente na hindi agad nasusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Ayon kay PRC chairman Sen. Richard Gordon, seselyuhan nila ang deal ngayong weekend at inaasahang maisasakatuparan ang proyekto sa susunod na linggo.
“Malapit na yun, baka sa Wednesday mag-start na tayo sa bagong facility. Kakaunti kasi ang nati-test ng RITM kumpara sa buhos ng mga nakukuha nilang samples,” wika ni Gordon.
Ito aniya ang naging hakbang ng kanilang tanggapan matapos mabatid na may ilang pasyente na binabawian na ng buhay ngunit hindi pa rin nailalabas ang resulta ng pagsusuri kung positibo o negatibo ito sa COVID-19.
Una na nang nagbigay ng libu-libong face mask at protective materials ang PRC sa mga frontliners ng gobyerno na nangangasiwa sa quarantine checkpoints.