Pinagtibay ng Pilipinas ang suporta nito para sa full membership ng Timor-Leste sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Inanunsiyo ni incoming Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theresa Lazaro ang patuloy na pagsuporta ng Pilipinas sa pakikimiyembro ng Timor Leste sa ASEAN sa gitna ng pagkikita ng mga lider ng mga bansa para sa 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay Lazaro, committed din ang Pilipinas sa East Timor para makapag-ambag sa implementasyon ng ASEAN Community Vision 2045.
Sa ASEAN summit ngayong taon, mananatiling observer ang Timor-Leste.
Ginawa ng Pilipinas ang pagtiyak ng suporta nito sa Timor-Leste makalipas ang dalawang buwan mula ng magkaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa makaraang hayagang batikusin ng ilang opisyal ng Pilipinas ang Timor-Leste dahil sa pagtanggi nitong i-extradite ang puganteng si dating Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ang ASEAN ay binubuo ng 10 member states kabilang ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Noong 2022, nag-agree in-principle na tanggapin ang Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng ASEAN at i-adopt ang roadmap para sa full membership ng naturang bansa.