Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matatag na paninindigan ng Pilipinas sa pagpapatibay ng Rule of Law at sa pagpapaigting ng kooperasyon ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagbubukas ng 13th ASEAN Law Ministers Meeting na ginanap sa Bonifacio Global City, Taguig City.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo na ang pagkakaisa ng mga bansang ASEAN ay dapat nakaugat sa katarungan at kaunlaran, mga haliging patuloy na nagsisilbing gabay ng rehiyon sa loob ng halos apat na dekada mula nang unang ganapin ang pagpupulong ng mga ASEAN Law Ministers noong 1986 sa Bali, Indonesia.
Isa sa mga pangunahing tampok ng pagpupulong ang nalalapit na pagpirma sa ASEAN Extradition Treaty (AET) — isang kasunduang magpapatibay sa pagtutulungan ng mga bansa sa paghahatid ng hustisya at sa pagtiyak na walang kriminal ang makatatakas sa batas sa pamamagitan lamang ng pagtawid ng hangganan o border.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalagang harapin ng ASEAN hindi lamang ang mga tradisyunal na krimen kundi pati na rin ang mga bagong hamon ng makabagong panahon, kabilang ang cybercrimes at ang mga etikal at legal na usapin ng Artificial Intelligence (AI).
Giit ng Pangulo, kailangang maging makatarungan, matatag, at ligtas ang mga batas na namamahala sa digital space upang mapanatiling makatao at inklusibo ang pag-unlad ng rehiyon.
Pinagtibay din ni Pangulong Marcos ang pangako ng Pilipinas na makipagtulungan sa lahat ng kasaping bansa para sa isang mas matatag, mas matibay, at mas inklusibong ASEAN, kabilang ang pagbibigay-suporta sa Timor-Leste habang ito ay naghahanda na maging ganap na kasapi ng mga legal na katawan ng ASEAN.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan ang Pangulo sa lahat ng mga kasapi na ipagpatuloy ang pagkakaisa at dedikasyon upang mapanatiling buhay ang pangako ng ASEAN sa katarungan, pagkakapantay-pantay, at kapayapaan.















