-- Advertisements --
image 513

Bumoto ng abstain ang delegasyon ng Pilipinas sa resolution ng United Nation General Assembly (UNGA) para sa agarang humanitarian truce sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas at pagdedemand ng aid access sa nakubkob na Gaza strip at proteksiyon ng mga sibilyan.

Naipasa naman ang resolution matapos na bumoto ng pabor ang 120 na miyembro, 14 ang tumutol at 45 ang nag-abstain kabilang ang PH.

Sa kasagsagan ng botohan, ipinaliwanag ni Permanent Representative of the Philippines to the United Nations Antonio Lagdameo na malugod nilang sinusuportahan ang pagbubukas ng humanitarian corridor sa Egypt subalit bilang komokondena aniya sa lahat ng teroristang pag-atake, hindi nabanggit umano sa resolution o kinondena ang teroristang pag-atake noong Oktubre 7 ng militanteng Hamas sa estado ng Israel na humantong sa pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan kabilang na ang mga kababaihan, mga bata gayundin ng mga kababayan nating Pilipino.

Samakatuwid aniya, sa kabila ng kahanga-hangang pagsisikap ng co-sponsors na mapagbuti ang orihinal na teksto ng resolution, pinili ng kaniyang delegasyon na mag-abstain sa naturang resolution.

Sinubukan din na amyendahan ang naturang resolution sa pangunguna ng Canadian delegation upang maisama ang pagtutol at pagkondena sa teroristang pag-atake ng Hamas at pagdukot sa mga bihag nito subalit nabigong makakuha ng kailangang boto mula sa two-thirds ng mayorya na kung saan 88 ang pumabor, 55 ang tumutol at 23 ang nag-abstain.

Samantala, una ng tumanggi ang panig ng Israel sa panawagan para sa ceasefire o tigil putukan dahil magbebentahe lamang aniya ito sa Hamas para mag-regroup at i-massacre ulit ang kanilang mamamayan.