Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakahanda ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas na umalalay kung magpasya ang mga suspek sa flood control scandal na sumuko habang nasa ibang bansa.
Ayon sa DFA, naka-standby ang mga embahada sa New Zealand at Jordan, pati na ang Consulate General sa New York, para sa koordinasyon kapag iniutos ng mga awtoridad sa Pilipinas.
Ito’y matapos ibalita ng DILG na ilang sangkot umano sa kontrobersiya ay nasa ibang bansa pa, kabilang si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na huling nakita sa Japan. Nahaharap siya at 15 iba pa sa mga kasong graft at malversation.
Batay sa ulat ng DILG at PNP, nasa New Zealand si Aderma Angelie Alcazar ng Sunwest Construction; nasa New York si Sunwest treasurer Cesar Buenaventura; at nasa Jordan naman si Montrexis Tamayo ng DPWH.
Ang kaso ay kaugnay ng umano’y substandard na P289-M road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pito sa 16 na may arrest order ang nasa kustodiya na ng pamahalaan, habang hinikayat niya ang iba pang suspek na sumuko. (REPORT BY BOMBO JAI)















