MANILA – Pumalo na sa 516,666 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Health (DOH), nadagdagan ng 1,173 ang total ng coronavirus cases sa bansa. Pero hindi pa raw kasali rito ang datos ng siyam na laboratoryo.

“9 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Data Repository System (CDRS) on January 25, 2021.”

Ang Cebu City naman ang nangunguna ngayon sa listahan ng mga lugar na may pinakamataas na numero ng new cases, na umabot sa 84.

Sumunod ang Davao City (67), Cavite (51), Quezon City (47), at Rizal (41).

Nasa 30,357 na ang bilang ng active cases o mga nagpapagaling, matapos bumaba ang numero noong nakaraang linggo.

Mula sa kanila, 84.9% ang mild cases. Ang asymptomatic naman ay nasa 8.4%, at moderate cases na nasa 0.50%.

Habang 3.8% ang critical cases, at 2.5% ang mga severe cases.

Nasa 475,423 na ang kabuuang bilang ng recoveries matapos madagdagan ng 18 na bagong gumaling.

Samantala sumirit pa sa 10,386 ang total deaths dahil sa 94 na bagong namatay.

“3 duplicates were removed from the total case count. Of these, 2 were recovered cases. Moreover, 15 cases that were previously tagged as recovered were reclassified as deaths after final validation.”