-- Advertisements --
Al177
IMAGE | Dr. Alethea de Guzman’s presentation/Screengrab, DOH

MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na pareho na ang antas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong buwan at numero ng new cases noong Hulyo ng nakaraang taon.

“Kung gaano karami yung nagiging pinakamataas na kaso ng pagkakasakit last July, its the same peak (this March),” ani Dr. Alethea de Guzman, officer-in-charge director ng DOH Epidemiology Bureau.

Kung maalala, nag-ulat ang ahensya ng 3,000 hanggang 6,000 bagong kaso ng sakit noong Hulyo at Agosto. Ito ang nag-udyok sa grupo ng healthcare workers para umapela ng “timeout.”

Ayon kay Dr. De Guzman, na-obserbahan nila na higit doble ang itinaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang buwan.

“What we were reporting in the first two weeks of March were 2.5-times higher than what we reported in January.”

AL178
IMAGE | Dr. Alethea de Guzman’s presentation/Screengrab, DOH

Sa nakalipas na 13-araw, nag-ulat ang Health department ng higit 3,000 bagong kaso ng COVID-19. Higit 4,000 naman mula noong March 12.

Paliwanag ni Dr. De Guzman, hindi na lang sa komunidad kumakalat ang COVID-19. Nakita raw kasi ng ahensya na pati sa mga bahay ay nagkakahawaan na ng virus.

“Yung cluster kadalasan community naririnig natin, totoo naman, (but) karamihan in terms of number, majority are occurring in homes.”

“Mayroon din tayong clustering sa workplaces, establishments.”

Aminado ang ahensya na bagamat nakakaapekto na rin sa pagsipa ng COVID-19 cases ang “variants of concern” ng SARS-CoV-2, malaki pa rin daw ang papel ng hindi pagsunod ng publiko sa health protocols at pagluluwag ng mga patakaran.

“We’re not putting the blame on people, what we’re just saying is that we need the help of every person para sana naman matapos na tong pandemya.”

“We lose that fear na baka mahawa; we want the economy to open, so its really us, yung change of behaviour, perspective kung ano ang COVID-19. Yun yung dapat mabago.”

Batay sa huling datos ng DOH, aabot na sa 631,320 ang total coronavirus cases sa Pilipinas.