Naaresto ng Philippine National Police Anti Cybercrime Group (PNP ACG) ang isang indibidwal na nahuling nagbebenta online ng isang text blasting machine na hinihinlang galing umano sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay PNP ACG Director PBGen. Bernard Yang, ibinebenta ang mga makinaryang ito online sa halagang P30,000 bawat isa na natuntong nanggagaling sa Bicutan, Taguig.
Paliwanag ni Yang, nagsagawa ang kanilang yunit ng isang tinatawag na cyber patrolling para matunton ang pinanggagalingan ng mga equipments na ito.
Nang matunton nila ang pinagmumulan ng iligal na gawain ay agad na nagkasa ng operasyon ang mga operatiba ng ACG kung saan nagkaroon pa ng tawaran sa presyo ng mga text blasting machine sa halagang P25,000.
Ayon kay Yang, posibleng dahil sa pagsasara ng mga POGO hubs ay ginawa na lamang negosyo ng ilang mga dating trabahador nito ang pagbebenta ng mga machine na ito para sa mga gustong makapag-scam ng ibang tao.
Samantala, kaugnay naman sa operasyon ay nagpaalala naman ang PNP ACG unit na huwag na lamang bigyang pansin ang mga natatanggap na mga kahina-hinalang mga mensahe na magmumula sa mga hindi kilalang numero upang maiwasan ang pagiging biktima ng scam.