Patuloy ngayon ang paghahanda ng Philippine Army para sa darating na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections upang matiyak ang isang maayos at mapayapang halalan.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, sinabi nito tuloy-tuloy ang kanilang security operations sa mga lugar na may mataas na posibilidad na maging election hotspots.
Maging ang kanilang pagkuha ng mga impormasyon kung mayroong mga banta ay tuloy-tuloy din ngunit hindi pa umano nila isinantabi ang mga lokal na teroristang grupo na nandun sa lugar kaya patuloy pa ang kanilang mga hot pursuit at security operations.
Bagama’t wala pang pinal na listahan ng election hotspots, sinabi pa ni Dema-ala na patuloy ang kanilang koordinasyon sa Commission on Elections at Philippine National Police upang matukoy ang mga lugar na may mataas na banta.
“Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagkuha ng impormasyon kung mayroong mga threats pero hindi natin isinantabi yung mga local and lawless terrorist groups na nandun sa lugar kaya tuloy-tuloy ang hot pursuit operations and security operations sa lugar. Doon naman sa identified hotspots during the elections wala pa tayong final na listahan dahil ito ay manggagaling sa COMELEC at Philippine National Police,” saad pa ni Dema-ala.
Sa ngayon ay hindi pa nito maibigay ang tiyak na bilang ng tauhang ipapakalat sa panahon ng halalan ngunit pagtitiyak pa ni Col. Dema-ala na laging nakahanda at nakastandy ang mga kasundaluhan para suportahan ang komisyon at Pambansang pulisya sa pagbabantay sa darating na election.
Dagdag pa, patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan ng buong rehiyon sa nalalapit na halalan.