-- Advertisements --

Hindi muna tatanggap ng mga non-COVID-19 patients ang Philippine General Hospital, habang ang emergency room naman ng Pasay City General Hospital ay sarado na matapos na pumalo sa 90 percent ang COVID-19 confirmed ward occupancy rate nito.

Sa isang advisory, sinab ng PGH na para mapagtuunan ng mabuti ang pag-alaga sa mga mayroong COVID-19, hindi na muna sila pansamantala tatanggap ng mga pasyente na mayroong ibang medikal na karamdaman na wala namang COVID-19.

Inanunsyo rin ng naturang ospital na kailangan nilang palawakin ang kanilang mga pasilidad para makapag-accommodate sa tumataas na bilang ng mga COVID-19 patients.

“Humihingi kami ng inyong paumanhin at pang-unawa upang lalo pa naming matugunan ang pangangailangan ng dumaraming bilang ng atin mga kababayang may COVID (We apologize and ask for your understanding that this is to better care for the needs of the rising number of patients with COVID-19),” saad ng PGH sa isang statement.

Samantala, sa Pasay City General Hospital naman, lahat ng kanilang intensive care unit beds ay kasalukuyang okupado na habang tatlo sa kanilang regular beds na lang ang available.

Sa ngayon, apat na COVID-19 patients ang sumasailalim sa isolation habang tatalo naman ang intubated.

Bubuksan na lamang daw nila ang kanilang emergency room kapag decongested na sila at nakapagsagawa na rin ng disinfection.

Samantala, tanging ang mga residente na lamang ng Pasay City na mayroong COVID-19 at maging non-COVID-19 related ang tatanggapin nila.