Pormal nang nanumpa si PGen. Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ring nanguna sa naging outgoing ceremony para kay former PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil.
Sa naging mga naunang pahayag ng bagong hepe, nagpasalamat siya sa Pangulo para sa tiwalang ibinigay nito sa kaniya para maging lider ng Pambansang Pulisya.
Aniya, hindi niya sasayangin ang naging tiwalang ito ng Pangulo kaya naman sa ilalim ng kaniyang liderato, sisiguraduhin niya na hindi na kailangan pa ng mga endorsement at ang lahat aniya ng pagtatalaga ay nakabase na lamang sa mga achievements ng mga kapulisan at kung sino lamang ang mga karapat-dapat ang mabibigyan ng pagkakataon para sa mga promosyon at binigyang diin rin na hindi sapat ang pogi points para makatanggap ng appointments sa ilalim ng kaniyang pagiging hepe.
Hinamon din niya ang kanilang hanay na mas maging maingay kaysa sa kaniya hindi lamang sa mga salita kung hindi pati sa kanilang gawa at dapat na nakikita aniya ng publiko ang kanilang mga nagiging trabaho at pagsunod sa kanilang sinumpaang mandato ay siguradong makikilala ang kanilang mga naging pakikiisa.
Samantala, masaya namang na-iturn over ni former PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang kaniyang liderato kay Torre bilang bagong hepe ng organisasyon.
Kumpiyansa rin ang dating hepe na mapaglilingkurang mabuti at magpapatuloy na makilala ang kanilang hanay sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Binigyang diin rin ni Marbil na taas noo niyang ipinagmamalaki na masarap sa kaniyang pakiramdam na iiwanan niya ang PNP ng maayos at nang mayroong respeto at tiwala ang publiko sa integridad ng kanilang hanay.
Nagbigay naman ng panibagong hamon si Pangulong Ferdinand Marcos sa bagong hepe na panatilihing malinis at marangal ang hanay ng PNP sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Mas mabilis na aksyon at pagresolba rin sa mga kaso ang nais ng Pangulo para sa mabilisang imbestigasyon ng mga kaso at makapagbigay hustisya sa publiko.
Buong tapang naman itong tinatanggap ni Torre at sinugurong magiging malinis at may integridad ang Pambansang Pulisya.