Pinuna ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan kaugnay sa umano’y tila ”convenient sacrificial lamb” sa isang pulis na nasangkot sa insidente ng panunulak sa kapwa motorista.
Sa kanyang mahabang post sa social media nitong Biyernes, Mayo 15, iginiit ni Torre na hindi dapat maging instrumento ang NAPOLCOM sa “trial by publicity” at premature judgment laban sa mga pulis na iniimbestigahan pa lamang.
Ayon kay Torre, “maraming pulis ang tahimik lang, nagtatrabaho lang, sumusunod lang sa tungkulin—at marami sa kanila ang nasisira ang pangalan, karera, at pamilya dahil sa mga padalos-dalos na pronouncement na parang may desisyon na kahit hindi pa tapos ang proseso.”
“Judge ka ng administrative case, hindi prosecutor ng media circus. Anong klase kang adjudicator kung sa umpisa pa lang—hindi mo pa naririnig ang buong panig, hindi pa nga lubusang naihahain ang kaso, wala pang formal hearing—naka-presscon ka na at malinaw nang sinasabi mong mali ang pulis at nakakahiya ang kanilang ginawa?” dagdag pa ni Torre.
Binigyang-diin pa ni Torre na mahalagang pairalin ang due process at hindi dapat mauna ang paghatol bago ang imbestigasyon.
“Hindi puwedeng presscon muna bago pagdinig. Hindi puwedeng public condemnation muna bago evaluation. Hindi puwedeng may desisyon ka na bago mo pa basahin ang buong kaso,” dagdag niya.
Matatandaang sinabi ng NAPOLCOM na posibleng hindi lamang ang pulis na sangkot sa insidente ang managot kundi maging ang imbestigador at hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Group (QCPD-CIDG).
“Defending discipline does not mean tolerating abuse. But defending justice also means protecting our personnel from unfair persecution, ” saad ng dating PNP chief.
















