CHIEF JUSTICE SC PERALTA CJ

Handa raw ang Supreme Court (SC) na aksiyunan ang ano mang petisyong ihahain kaugnay ng kontrobersiyal na Anti Terror Bill.

Sinabi ni Chief Justice Diosdado Peralta sa kanyang virtual press conference sa media na ipo-proseso ng Korte Suprema ang ano mang petisyon na ihahain laban sa kontrobersyal na Anti-Terror Bill.

Aniya, inaasahan na nila na mayroong maghahahain ng petisyon laban sa Anti-Terror Bill lalo na kapag naging ganap na batas na ito.

Ayon kay Peralta, kahit sinong maaapektuhan nito ay maaaring mag-petisyon para kuwestyunin ang constitutionality nito at dadaan naman ito sa tamang proseso sa Mataas na Hukuman.

Dagdag ni Peralta, naka-depende sa deliberasyon ng mga mahistrado kung gagamit ba ng video conferencing sa pagtalakay sa petisyon.

Aalamin din kung magtatakda ng oral arguments, pero depende pa ang lahat sa mga isyu o alegasyon na i-aakyat ng mga kampo sa Korte Suprema.

Depende rin aniya sa komento ng Office of the Solicitor General, na kapag may isyu na “factual in nature” ay karaniwanag nagpapatawag ang SC ng oral argument.

Patuloy na inaalmahan ng iba’t ibang mga grupo at kahit mga mambabatas ang Anti-Terror Bill.

Nasa Palasyo na ang panukalang batas at naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyan nang maging ganap na batas ang Anti-Terror Bill.