Inihain ngayong araw ng ilang grupo at indibidwal ang isang petisyon sa Korte Suprema na kontra sa implementasyon ng Manila International Airport Authority Revised Administrative Order No. 1, Series of 2024 o ang pagkakaroon ng panibagong private airport operator.
Kabilang sa mga petitioners at naghain ay sina Leody de Guzman, mga manggagawa ng paliparan o ‘coalition of airport workers’ at iba pa.
Kanilang inihain ang partikular na ‘Petition for Prohibition with application for a Temporary Restraining Order and/ Writ of Preliminary Injunction.
Layon sa petisyon na maipasuspinde sa Kataastaasang Hukuman ang nabanggit na administrative order upang mapahinto ang implementasyon.
Bunsod nito’y hiling ng isa sa mga petitioners na si Leody De Guzman na magkaroon muna ng isang diskusyon o dayalogo hindi lamang sa mga korporasyon kundi kasama pati ang mga manggagawa.
Kasama sa hinaing ng mga naghain ng petisyon ay ang malaking pagtaas umano sa domestic passenger service charge at international passenger service charge sa Ninoy Aquino International Airport.
Kaya’t ani pa ni Leody De Guzman, hindi ito makatarungan lalo na sa mga apektadong mga manggagawa, habang hiling niya na huwag muna itong maipagpatuloy.