CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang negosyante sa pamamaril sa Tacurong City.
Nakilala ang biktima na si Charliemagne Pepito Gallas, 26 anyos, binata, Pet Shop Owner, Dance Instructor at residente ng Purok San Jose Barangay San Pablo Tacurong City.
Ayon sa ulat ng Tacurong City PNP na dalawang hindi kilalang kostumer na nagkunwaring bibili ng pagkain ng pusa sa pet shop ng biktima sa bahagi ng General Lim street, Purok II, Barangay Poblacion Tacurong city.
Paglabas ng negosyante sa kanyang pet shop ay doon na siya pinagbabaril ng mga suspek gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan ng traysikel patungo sa direksyon ng Isulan Sultan Kudarat.
Naisugod pa ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa Saint Louis Hospital ngunit makalipas ang dalawang oras ay binawian ito ng buhay nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaslang sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.