Nagpahayag ng matinding pakikiramay si Senator Bong Go sa pamilya ng dalawang motorcycle taxi riders na pinaslang kamakailan.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng senador na tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Mariin niyang sinabi na “dapat proteksyunan ang buhay ng ordinaryong Pilipino na gusto lang maglakad sa gabi nang ligtas, nais lamang mamuhay nang tahimik at maayos, at hangad lamang ay magtrabaho nang marangal.”
Binanggit ni Go na ang pagpatay kina Fabio Norberte Jr. at Ren Ren de Laviga ay dapat magsilbing wake-up call sa lahat, lalo na’t dumarami ang insidente ng karahasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dagdag pa ng senador, obligasyon ng pamahalaan na gawing ligtas ang mga kalsada para sa mga manggagawang Pilipino na nagsasakripisyo ng oras, pagod, at sariling kapakanan upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
Giit ni Go: “Hindi dapat natatakot ang mga Pilipino na maglakad sa gabi. Ang mga kriminal ang dapat manginig sa takot.”















