ILOILO CITY – Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko na mag-ingat sa mga naglipanang pekeng ahente ng ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PDEA Region 6 Director Alex Tablate, sinabi nito na ang mga nagpapakilalang ahente ay tumatawag at naghihingi ng pera.

Ayon kay Tablate, isang tao na ang nabiktima ng nasabing modus sa Western Visayas kung saan hiningan ito ng nagpakilalang PDEA agent ng P1,000 na load.

Ani Tablate, ang pangingikil ay hindi gawain ng mga lehitimong PDEA agents.

Nanawagan rin ito sa publiko na kaagad na ipagbigay alam sa kanila kung may nagpapakilalang PDEA agent at nanghihingi ng pera.