-- Advertisements --

Sinimulan na ng Kamara ngayong araw ang kanilang marathon hearing upang matiyak na maipapasa sa itinakdang deadline ang P4.1 trillion proposed national budget.

Unang sumalang sa budget deliberation ang Philipine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung saan natukoy na umabot sa P24.6 billion ang kanilang kabuuang kita mula Enero hanggang Hunyo 2019 lamang.

Sa naturang halaga, P12.66 billion o 52 percent nito ang kinita ng PCSO mula sa Small Town Lottery (STL), P10 billion mula sa Lotto games, at P1.3 billion naman ang sa Keno.

Sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma na sa kinita ng STL, pinakamalaking bahagi rito ay napunta sa pagbayad ng buwis na aabot sa P2.81 billion o 22.18 percent.

Nasa 20.64 percent naman o P2.61 billion ang napunta sa charity funds, habang 10 percent ang alokasyon para sa mga sales agents o representatives.

Samantala, nakatakdang maghain ng resolusyon si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves para hindi maobliga na maglaan ang PCSO ng alokasyon para sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ito’yy matapos na sabihin ni Garma sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa kanilang budget na pabor siyang alisin na ang kanilang mandatory contributions para sa iba’t-ibang government agencies.

Magiging praktikal aniya kung tatanggalin na ang kanilang kontribusyon sa mga ahensya ng pamahalaan upang mas marami pang matulungang benipisyaryo.

Iginiit ni Garma na hindi na kailangan ng mandatory contributions dahil mayroon naman daw sariling pondo ang mga ahensya.

Sa pamamagitan nang pagtanggal sa kanilang mandatory contributions, mas mapagtutuunan na rin daw nila ng pansin ang pagbibigay ng medical assistance lalo na at naipasa na ang Universal Health Care Law.

Sa kabilang dako, iminungkahi ni House Deputy Speaker Prospero Pichay na huwag nang patawan pa ng buwis ang PCSO.

Ayon kay Pichay, bilang charity-based at non-profit naman ang operation ng PCSO ay maaring hindi na ito magbayad pa ng buwis.

Ang kita na malilikom mula rito ayon sa kongresista, ay dapat na mapunta ng direkta sa mga charity programs na ng ahensya.