-- Advertisements --

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng hindi bababa sa 10,000 ng mga umano’y trolls na nagpapahayag ng kanilang oposisyon sa mga claims ng bansa patungkol sa mga territorial disputes na nagaganap sa katubigan ng West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay PCG Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, nang umpisahan nila ang mga inisyatibo ng transparency patungkol sa kanilang mga aktibong pannndigan sa WPS, nagumpisa lamang sa halos 1,000 ang mga trolls na kumokontra sa kanilang mga ginagawa para sa WPS.

Ayon pa kay Tarriela, kumpara noon, sa kasalukuyan ay mas dumami pa ang mga trolls na bumabatikos sa kanilang mga aksyon at kumokontra sa kanilang posisyon na ipagtanggol ang soberanya ng bansa sa bahaging ito ng Pilipinas.

Dagdag pa ng tagapagsalita, ang mga trolls na ito ay mayroong tatlong lebel, ang mga influencers, mga namamahagi ng mga impormasyon at ang mga nagrerepost ng mga naturang detalye.

Mula sa mga lebel na ito, kumakalat ang mga maling pahayag at impormasyon na siya ngayong kinokontra ng kanilang hanay.

Samantala, matatandaan naman na nauna na dito ay ibinunyag na ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa isang pagdinig ang mga nagiging pakikibahagi ng ilang mga chinese nationals na nagbayad umano ng mga trolls para tumalima at magpakalat ng mga fake news sa loob ng bansa.