-- Advertisements --

Umaasa ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na magiging daan para sa accountable at merit-based appointment ang naging kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mga cabinet members na paghahain ng courtesy resignation.

Ayon sa pinakamalaking grupo ng mga negosyante sa bansa, nakakagulat ang biglaang cabinet revamp dahil sa nananatili umanong maayos ang pamamahala ng administrasyon sa ekonomiya ng bansa.

Gayunpaman, umaasa ang grupo na magiging daan ito sa pagkaka-appoint ng mga kwalipikado at accountable na opisyal.

Iginiit din ng grupo ang kahalagahan ng paghahanap ng mga lider na may kakayahan at ang tuluyang pag-anunsyo ng mga bagong appointments sa lalong-madaling panahon upang mapigilan ang posibilidad ng uncertainty o kawalang-katiyakan at instability sa economic activity ng buong bansa.

Umaasa rin ang PCCI na ang mga Cabinet official na nagawang makapagbigay ng maayos na serbisyo ay mananatili pa rin sa serbisyo, habang kung may mga papalitan man ay agad na magkakaroon ng mga kahalili para hindi maapektuhan ang ekonomiya.

Una na ring nagpahayag ang Management Association of the Philippines (MAP) ng pagsuporta sa desisyon ni Pang. Marcos Jr. na malawakang pagbabago sa kaniyang Gabinete.

Giit ng MAP, bagaman isang mahirap na desisyon ang posibleng pagpapalit ng mga tauhan, ito ay karaniwang ginagawa ng mga chief executive officer sa private sector upang mapagbuti pa lalo ang organizational performance.