Magsasampa na ng kaso ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) laban sa mga contarctor ng ghost project sa Baliwag, Bulacan.
Ang naturang proyekto ay ang flood control project na binisita ni Pang. Ferdinand Marcos nitong nakalipas na araw (Aug. 20) na mayroong nakalaan na pondo ngunit walang actual na proyektong nagawa.
Ayon kay PCAB Executive Director, Atty. Herbert Matienzo, may kapangyarihan ang PCAB na panagutin ang mga contractor kung may pagkakasala ang mga ito tulad ng kung may nasaktan sa kanilang proyekto, inabandona, hindi ginampanan ang tungkulin nila sa kontrata, pagsisinungaling sa mga isinumiteng dokumento, atbpang paglabag.
Ayon kay Matienzo, magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang PCAB at maaari itong humantong sa pagkakasuspinde o pagkakabuwag sa kani-kanilang lisensiya.
Giit ng abogado, nagsisimula na aniya silang mangalap ng mga impormasyon ukol sa naturang contractor at tiniyak na maghahain ang mga ito ng kaso upang mapanagot ang sinumang kontraktor nito.
Maliban sa naturang proyekto, tiniyak din ng abogado na sinusubaybayan ang iba pang mga kontrobersyal na flood control infrastructure project, kasabay ng pagkakabunyag ng malawakang korupsyon sa mga ito.
Kung babalikan ang dokumento (resibo) na isinapubliko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office, nagbayad ito ng higit P55 million sa Syms Construction Trading para sa isang flood control project sa Brgy. Piel, Baliwag, Bulacan.
Pero ayon sa Pangulo, walang materyales, walang equipment, at walang itinayong pader kahit na idineklara itong 100% complete at fully paid na, batay sa ibinigay sa kaniya na record.
Ang PCAB ay isang government office at attached agency ng Department of Trade and Industry.
Tungkulin nitong maglabas ng lisensiya para sa mga contractor ng bansa. May kapangyarihan dito itong magsuspinde at magbawi sa lisensya ng mga kontraktor, salig sa prinsispyo ng due process.