-- Advertisements --

Taos pusong pasasalamat ang ipinaabot ni dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Atty. Romeo Lumagui Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa ibinigay na pagkakataon na makapaglingkod bilang pinuno ng ahensya sa loob ng halos tatlong taon.

Lubos niyang pinasalamatan ang Pangulo sa tiwala at suporta na ipinagkaloob sa kanya sa kanyang panunungkulan.

Sa kanyang inilabas na pahayag, ipinahayag ni Lumagui na isang napakalaking karangalan at isang natatanging pribilehiyo ang mapamahalaan at maitaguyod ang BIR tungo sa mas mataas na antas ng serbisyo para sa mga taxpayer.

Dagdag pa niya, isa itong pagkakataon na makapag-ambag sa pagpapabuti ng digitalization ng ahensya, pagpapalakas ng professionalism at integrity sa hanay ng mga empleyado, at pagtiyak sa mahigpit at walang-pagtatanging pagpapatupad ng mga batas sa buwis na umiiral sa bansa.

Binigyang-diin ni Lumagui na ang mga repormang kanilang ipinatupad sa BIR sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagbunga ng pinakamataas na record sa kasaysayan ng tax collections.

Ito, aniya, ay naging pangunahing pinagmumulan ng pondo na ginamit para suportahan ang iba’t ibang programa ng Pangulo na naglalayong maibsan ang kahirapan at paginhawahin ang buhay ng mga mamamayan.

Sinabi rin ni Lumagui na lubos siyang nagtitiwala na maiiwan niya ang BIR sa isang mas maayos at matatag na kalagayan sa ilalim ng pamumuno ng bagong Commissioner na si Charlito Mendoza.

Matatandaang kinumpirma ng Malacañang nitong Miyerkules ang pagkakatalaga kay Finance Undersecretary Charlito Mendoza bilang bagong Commissioner ng BIR, kapalit ni Lumagui.

Hindi naman nagbigay ng anumang karagdagang detalye si Lumagui hinggil sa mga dahilan ng kanyang pagkaalis sa puwesto bilang Commissioner ng BIR.