Nangako ang Thailand at Cambodia na ipagpapatuloy ang bukas na komunikasyon at iiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala pa ng tensyon matapos ang trilateral meeting na pinangunahan ng Pilipinas sa sidelines ng 48th ASEAN Summit.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing meeting kasama sina Cambodian Prime Minister Hun Manet at Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul, bilang bahagi ng papel ng Pilipinas bilang ASEAN chair.
Ayon kay PBBM, layunin ng pagpupulong na magbigay ng “meaningful space for constructive dialogue” hinggil sa patuloy na alitan sa border ng dalawang bansa.
“The Philippines arranged this meeting… to provide a meaningful space for constructive dialogue,” pahayag ng Pangulo.
Sa joint press conference, sinabi ng Pangulo na kapwa kinilala ng dalawang lider ang kahalagahan ng restraint, tuloy-tuloy na komunikasyon, at mapayapang pagresolba ng sigalot.
Ginawa ang pagpupulong sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Thailand at Cambodia dahil sa mga pinagtatalunang teritoryo malapit sa Preah Vihear temple at ilang bahagi ng Gulf of Thailand.
Nagpasalamat sina Hun Manet at Anutin sa Pilipinas sa pag-facilitate ng dayalogo.
“Cambodia stands ready to move forward constructively, swiftly, and in good faith,” sabi ni Hun Manet.
Samantala, iginiit ni Anutin na mahalagang iwasan ang hidwaan ng dalawang magkapitbahay na bansa.
“Now is the time for us to look forward… toward peace,” aniya.
Kasabay nito, inihayag din ni PBBM ang pag-extend ng mandato ng ASEAN Observer Team (AOT) hanggang Hulyo upang ipagpatuloy ang pagbabantay sa pagpapatupad ng mga kasunduan sa pagitan ng Thailand at Cambodia.















