Wala pang impormasyon sa ngayon si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kung mayroon na ngang inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ito ang naging tugon ng kalihim matapos lumutang ang ulat ngayong Sabado, Mayo 9, na mayroon na umanong inilabas na warrant ang international tribunal.
Ayon sa kalihim, hangga’t hindi niya nakikita ang opisyal na kopiya ng naturang warrant, ito ay hearsay pa lamang.
Sinabi rin ng kalihim na kasalukuyang naghahanda na ang DILG ng 10,000 task force para sa dragnet operations sakaling ilabas ang warrant of arrest laban sa Senador.
Sa ngayon, binubuo ng ahensiya ang naturang task force.
Samantala, ibinunyag din ni Remulla ang kasalukuyang konaroroonan ni Dela Rosa, na umano’y nasa Davao Region.
Nauna nang pinangalanan si Dela Rosa bilang isa sa umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs charges.
Base sa dokumentong naglalaman ng mga kasong isinumite ng Prosekusyon, mayroong “common plan” si Duterte kasama ang kaniyang co-perpetrators para i-neutralize ang umano’y mga kriminal sa pamamagitan ng bayolenteng krimen kabilang ang pagpatay.
Matatandaan, nagsilbi si Dela Rosa bilang PNP chief nang ilunsad ni Duterte ang kontrobersiyal na kampaniya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel Reloaded.















