-- Advertisements --

Inaresto ng mga awtoridad ang ilang kasapi ng Greenpeace Southeast Asia matapos silang magsagawa ng isang ‘peaceful demonstration’ ngayong Biyernes, Mayo 8, kasabay ng nagpapatuloy na ika-48 ASEAN Summit sa Cebu.

Sa kanilang kilos-protesta, nanawagan ang mga environmental activists sa mga lider ng ASEAN na agarang tugunan ang krisis sa plastik at ang patuloy na pagdepende ng rehiyon sa fossil fuels.

Giit ng grupo, dapat huminto ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa paggamit ng single-use plastics, bawasan ang produksyon ng plastik, at papanagutin ang mga kumpanyang nagdudulot ng polusyon at pinsala sa kalikasan.

Matapos ang protesta, dinala ng mga pulis ang mga aktibista sa Lapu-Lapu City Police Station 2 sa Barangay Mactan, kung saan hindi pa sila pinapayagang umalis.

Kinondena naman ng Greenpeace Southeast Asia ang naging aksyon ng mga awtoridad, at iginiit na sa halip na supilin ang mapayapang pagkilos, dapat pakinggan ng mga pinuno ng ASEAN ang mensahe ng mga mamamayang apektado ng krisis sa basura at polusyon.

Ayon sa grupo, ang tunay na panganib ay ang sistemang patuloy na pumapabor sa mga kumpanyang bumabaha sa rehiyon ng mga plastik habang nagdurusa ang mga komunidad sa maruming hangin, nasusunog na tambak ng basura, at mga banta sa kalusugan at kabuhayan.

Naganap ang demonstrasyon habang nagpupulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang lider ng ASEAN sa Lapu-Lapu City upang talakayin ang mga isyu sa seguridad, pagkain at enerhiya, kooperasyong pang-ekonomiya, at supply chain concerns.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang mahigpit na seguridad sa mga lugar ng summit sa Cebu at Mactan Island.