-- Advertisements --

Pangunahing tatalakayin sa 48th ASEAN Leaders’ Summit ang lumalalang krisis sa Gitnang Silangan na may direktang epekto sa seguridad sa enerhiya at suplay ng pagkain sa rehiyon.

Ibinahagi ni ASEAN 2026 Director-General Ma. Hellen De La Vega, napagkasunduan ng mga miyembrong estado na sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon, mas kinakailangan ang face-to-face na pagpupulong ng mga lider upang agarang matugunan ang mga pressing issues.

Binigyang-diin pa ni De La Vega na sa pamamagitan ng personal na pagpupulong, mas mabilis na makakabuo ng konkretong hakbang at mekanismo upang tugunan ang epekto ng krisis, kabilang ang energy security, food security, at ligtas na mobilidad ng mga mamamayan ng rehiyon.

Aniya, dahil dito ay inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ituloy ang summit na nakatuon sa mahahalagang usapin, na may minimal na seremonya o fanfare, upang pagtuunan ng pansin ang mga agarang pangangailangan ng rehiyon.

Kabilang sa mga prayoridad na deliverables ng summit ang mga hakbang na tutugon sa epekto ng krisis sa Middle East, lalo na sa larangan ng enerhiya, pagkain, at proteksyon ng mga ASEAN nationals.

Isusulong din ang tatlong haligi ng ASEAN cooperation kabilang ang political-security, economic, at socio-cultural upang palakasin ang kolektibong pagtugon ng rehiyon sa kasalukuyang mga hamon.