-- Advertisements --

PBBMNINOY

Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Pilipino na lampasan ang mga hadlang sa pulitika at sa halip ay magkaisa para sa pagsulong ng bansa.

Ang pahayag ng chief executive ay kasunod sa paggunita ng bansa sa ika-40 anibersaryo ng kamatayan ng yumaong senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Sa isang mensahe na inilabas ng Malakanyang, naninindigan si Marcos na kaisa siya ng lahat ng mga Pilipinong gumugunita sa Araw ng Ninoy Aquino.

Dagdag pa ng Pangulo na sa pamamagitan ng paninindigan para sa kanyang mga paniniwala at pakikipaglaban para sa mga laban na itinuturing niyang tama, si Ninoy Aquino ay naging isang halimbawa ng pagiging walang humpay at determinado para sa maraming Pilipino.

Hinikayat pa ng Pangulo ang mga Pilipino na bumuo ng isang bansang nakabatay sa katwiran at katatagan, kung saan ang mga hangganan ng ating mga personal na pagkiling ay kumukupas at ang kapakanan ng lahat ay nagiging ating priyoridad.

Alinsunod sa Republic Act No. 9256, ang ika-21 araw ng Agosto bawat taon ay idineklara bilang Araw ng Ninoy Aquino.

Si Aquino ay pinaslang sa Manila International Airport, na ngayon ay pinangalanan sa kanyang karangalan, noong Agosto 21, 1983.

Ang yumaong senador ay isang mahigpit na kritiko ng ama ni Marcos, ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ang pagkamatay ni Aquino ay nagbunsod ng malawakang mga kilusang protesta laban sa administrasyong Marcos noon na humantong sa EDSA 1986 revolution.