Pinagtibay na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr ang dalawang mahalagang batas ang Tatak Pinoy Act at ang Expanded Centenarian Act na layong bigyan ng dagdag benepisyo ang mga senior citizen.
Ito’y matapos lagdaan kaninang umaga ng Punong Ehekutibo ang dalawang panukala.
Kabilang sa nilagdaan ng Pang. Marcos ang Republic Act 11982 o Grantin Benefits to Filipino Octogenarians and Nonagenarians.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, layon ng nasabing batas na iparamdam sa mga senior citizens ang suporta ng gobyerno sa kanilang sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansiyal habang sila ay nabubuhay sa edad na 80 anyos, 85, 90 at 95-anyos.
Nasa P10,000 ang cash assistance na matatanggap ng mga seniors batay sa mga nabanggit na edad.
Ganap na ring batas ang Tatak Pinoy Act o ang RA 11981 na layong magpapalakas sa industrialization ng bansa.
Sinabi ng Pang. Marcos sa ilalim ng nasabing batas, higit pa sa branding exercises ang itataguyod kundi ang pagpapalakas sa pamumuhunan sa mga produktong Filipino na talagang maipagmalaki na gawang Pinoy o trademark ng Pilipinas.
Samantala, hindi natuloy ang paglagda sa isa pang panukala ang Magna carta para sa Seafarers Act.
Ayon kay Sec Garafil patuloy pa na nirerebyu ng Pangulo ang nasabing panukala.