Pinaghahanda ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Armed Formes of the Philippines (AFP) hinggil sa mga pagsubok na posible pang kaharapin nito sa hinaharap,
Ipinahayag ito ni Marcos sa kaniyang naging talumpati sa ginanap na change of command ceremony sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Aminado ang pangulo na hindi magiging madali ang kaniyang magiging pamumuno sa bansa ngunit nang dahil aniya sa tulong ng AFP ay napapanatag na siya ngayon na mailalagay sa tama ang mga pangunahing kinakailangan para sa muling pagbuo at pagpapaunlad sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Pangulong Marcos Jr. na naniniwala siya na tama ang kaniyang naging desisyon sa pagtatalaga kay Lt. Gen. Bartolome Bacarro bilang bagong mamumuno sa Armed Forces of the Philippines dahil sa ilalim aniya ng pamumuno nito ay tiyak na mayroong masasandalan ang pamahalaan.
Sa kabila nito ay umaasa naman si Pangulong Marcos na sa ilalim ng pagtutulungan ng pamahalaan at sandatahang lakas ng Pilipinas kasama ang iba pang hanay ng mga awtoridad ay maisakakatuparan na nito ang matagal na niyang layunin na kapayapaan, kaligtasan, at masaganang bansa para lahat ng ating mga kababayan.
Samantala, sa kabilang banda naman ay buong puso namang tinanggap ni Bacarro ang tungkuling iniatang sa kaniya ng pangulo bilang bagong AFP chief of staff.
Sinabi rin niya na handa siyang tuparin ang kaniyang tungkulin at makipagtulungan na rin sa pamahalaan at iba pang sangay nito dahil naniniwala aniya siya na ang layunin na ito ni Pangulong Marcos ay isang shared responsibility para sa kapakanan ng taumbayan.
Nangako siyang magpupursigi partikular na sa tamang paggamit ng resources, para narin mapagtagumpayan ang lahat ng kaniyang misyon.