-- Advertisements --

Muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos jr  na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng International  Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

Sa isang ambush interview sa Lung Center of the Philippines, sinabi ng Pangulo  na nagsisilbing banta sa  soberenya ng bansa ang ICC kaya hindi aniya siya papayag na magsagawa ng imbestigasyon ang ICC dito sa bansa.

Ayon sa Presidente kung pupunta aniya ang mga ito sa Pilipinas bilang mga ordinaryong indibidwal ay papayagan nila ito subalit babantayan aniya nila itong mabuti dahil sa sandaling magtanong tanong na ang mga ito sa mga ahensiya ng gobyerno, hindi na aniya ito pahihintulutan at sasabihan ang mga otoridad na wag tumugon sa hinihinging mga impormasyon.

Pagbibigay diin ng Pangulo,  hindi sila tutulong sa ICC para sa plano nitong mag imbestiga.

Pangunahin sa misyon ng ICC ay imbestigahan ang umanoy mga naganap na extra judicial killings sa ilalim ng nagdaang administrasyong duterte.

Batay sa naunang pahayag ni Senador Ronad Bato Dela Rosa, hinamon nito si Pangulong Marcos na magpakalalaki at  tapatin na sila kung andito na sa bansa ang mga imbestigador ng ICC at kung paiimbestigahan ba sila.

Si Dela Rosa ang PNP chief, noong kasagsagan ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte kung saan naging kontrobersiyal ang extra judicial killings.