-- Advertisements --

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibibigay niya ang kanyang buong suporta sa mga atletang Pilipino matapos na pormal ntong buksan ang ika-65 Palarong Pambansa sa Ferdinand E. Marcos Sr. Memorial Stadium sa Lungsod ng Laoag, Ilocos Norte. 

Ayon kay Marcos, hangga’t sa abot ng kanilang makakaya, ginagawa aniya nila ang lahat para matulungan ang mga kabataan na maging mahusay na manlalaro. 

Aniya, ang pamahalaan ay palaging nakasuporta dahil ang panalo ng mga manlalarong Pilipino ay panalo rin nila. 

Dagdag ng pangulo,  panalo man o talo, maituturing na silang mga kampeon dahil sa kanilang kahanga-hangang galing sa isports at dedikasyon na manalo sa kompetisyon. 

Samantala, pinayuhan ni Marcos ang mga atleta na pangalagaan ang kanilang kalusugan at ipagpatuloy ang pagtupad sa kanilang mga pangarap hanggang sa makamit nila ang tagumpay.

Sinabi rin niya na sa hinaharap, ilan sa kanila ay maaaring maging kinatawan ng bansa sa mga pandaigdigang paligsahan.

Tampok sa Palarong Pambansa ngayong taon ang 24 na regular na isport, kabilang ang athletics, basketball, volleyball, gymnastics, taekwondo, at swimming.

Humigit-kumulang 15,000 delegado mula sa 20 athletic associations, kabilang ang 18 rehiyon ng bansa, ang National Academy of Sports, at Philippine Overseas Schools, ang lalahok mula Mayo 25 hanggang 30.