Mistulang nabudol umano si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na napaniwala na suportado sa Senado ang resolusyon para maamyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.
Ito ang sinabi ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe na nagpahayag ng pagkadismaya sa sinabi ni Sen. Joel Villanueva na maraming senador ang ayaw sa Resolution of Both Houses No. 6.
Sinabi ni Dalipe na nakalulungkot na inaayawan ang RBH 6 dahil sa alegasyon na si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasa likod ng People’s Initiative kahit wala namang basehan ang akusasyong ito.
Sinabi ni Dalipe na nagpahayag ng suporta si Speaker Romualdez sa RBH 6 ng Senado upang matuloy ang constitutional economic reforms na kailangan upang mas maraming dayuhang mamumuhunan ang pumasok sa bansa.
Ayon kay Dalipe, hindi na naman bago ang pagharang ng Senado sa mga hakbang upang maamyendahan ang Konstitusyon.