Ipina-uubaya na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kapangyarihang magtalaga ng awtorisadong kinatawan na mag-aapruba sa mga kahilingan para sa foreign travel ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 47 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, inamyendahan ang AO No. 267 upang mapabilis ang pagproseso ng dumaraming aplikasyon para sa paglalakbay sa ibang bansa ng mga lokal na opisyal.
Layunin ng kautusan na gawing mas mabilis at episyente ang proseso habang pinananatili ang sapat na pangangasiwa sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa Local Government Code, kailangan pa rin ng pahintulot para sa foreign travel ng mga lokal na opisyal kung ang biyahe ay lampas tatlong buwan, isasagawa sa panahon ng state of emergency o krisis, o gagamit ng pondo ng pamahalaan.
Magkakabisa ang AO No. 47 matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
















