Hinikayat ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga American companies makiisa sa proyekto ng administration ang “Build, Better, More” program na kinabibilangan ng 198 high-impact priority infrastructure flagship projects (IFPs), na nagkakahalaga ng US$148 billion o nasa mahigit P8 trillion.
Ginawa ng Pangulo ang imbitasyon ng humarap ito sa mga opisyal ng US government at sa Presidential Trade and Investment Mission (PTIM) delegation sa Malacanang.
Sinabi ng Pangulo ang mga pangunahing proyektong ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang mga sub-sektor, kabilang ang pisikal na koneksyon, mapagkukunan ng tubig, agrikultura, kalusugan, digital connectivity (telekomunikasyon), at enerhiya.
Ilalatag din ng gobyerno ang batayan para sa adhikain ng bansa na maging susunod na logistic hub ang Pilipinas sa Asya.
Ang pamumuhunan sa bansa ay nagtatanghal ng maraming pakinabang para sa mga mamumuhunan na nagnanais na lumago at lumawak.
Ayon kay Pang. Marcos ang Pilipinas na nasa gitna ng Timog-silangang Asya ay nag-aalok ng isang strategic na lokasyon para sa mga negosyo upang magtagumpay.
Bukod sa mga proyektong ito, hinihikayat din ang mga mamumuhunang Amerikano na ilagay ang kanilang pera sa pagpapaunlad ng sektor ng enerhiya ng bansa at paggalugad at pagproseso ng mga kritikal na metal, bukod sa iba pang mga lugar.
Ang pagdating ng US mission sa bansa ay katuparan ng pangako ni US President Joe Biden kay Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita sa Washington, D.C. noong Mayo 2023.
Nangako si Biden na magpadala ng mataas na antas na delegasyon sa Pilipinas para pahusayin ang relasyon sa pamumuhunan at kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.