Inatasan ni Pangulong Ferdinanand Marcos Jr., ang lahat ng mga cabinet secretaries na magtungo sa Cebu partikular ang mga concerned government agencies para magsagawa ng damage assessment kaugnay sa naging epekto ng 6.9 magnitude na lindol.
Ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Secretary Dave Gomez nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na malaman ang lawak ng pinsala na dulot ng lindol at kung ano pang mga pangangailangan ng ating mga kababayan na lubhang naapektuhan sa napakalakas na lindol.
Sinabi ni Gomez, inaasahan ni Pangulong Marcos na magbigay ng feedback ang ibat ibang ahensiya ng pamahalaan kaugnay sa naranasang napakalakas na lindol.
Siniguro naman ni Gomez, na dahil sa direktiba ng Pangulo, naka preposition na ang ibat ibang ahensiya lalo na ang National Disaster Risk Reduction Management Council na nangunguna sa search and rescue operation.
Naka deploy na rin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa lugar upang mapanatili ang peace and order at mapigilan ang anumang insidente ng looting.
Nagpadala din ng karagdagang health workers ang Department of Health (DOH) sa Cebu upang tumulong.
Ginagawa na rin ng Department of Energy (DOE) ang lahat para maibalik ang power supply sa lugar at nagpatupad ng price freeze sa produktong petrolyo.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nagpatupad na rin price freeze para sa mga pangunahing produkto ng pagkain.